MY PERSONAL POST ELECTION CAMPAIGN
WARNING, BIASED TO. Nevertheless, lahat ng nilalaman ng post na ito ay pawang katotohanan at kung hindi man ay inaamin kong sariling opinyon ko lamang. Anumang nakalahad dito ay hindi opisyal na pahayag ng kahit anong organisasyong aking kinabibilangan.
Simply put: gusto ko lang magshare ; )
I hope you don't find some parts angsty, i'm just trying to be very honest.
*******************
99.9 percent akong sigurado na halos lahat ng taong kakilala ko sa pharm ay alam na para ako sa CHANGE. Kahit hindi ako magsuot ng pins, magsuot ng blue o yellow o anumang paraphernalia ay halatang halata naman na para ako sa CHANGE.
Marahil nagtataka kayo kung bakit nga ba ako masyadong "fanatic" sa CHANGE.
Ang CHANGE ay binuo sa ilalim ng pamumuno ni Ms. Cucai Soriano na tumakbo at pinalad maging UPPhA Chair sa tulong ng suporta ni Ms. Virgi Esquivel, ang Chairperson ng PROPharm tatlong taon na ang nakalilipas. Hanggang sa kasalukuyan, ang CHANGE ay nagpapatuloy magbigay ng alternatibong mga lider na estudyante sa Kolehiyo ng Parmasiya. (parang ang awkward na magtagalog) PERO BIGLA LANG BANG SUMULPOT ANG CHANGE? At bakit ba sinusuportahan ng PROPharm ang CHANGE?
Balikan natin nang mabilisan ang history... Ang PROPharm ay binuo HINDI bilang isang organisasyon. Dati itong partido. Dati kasi, iisang partido lang ang tumatakbo sa UPCP. Walang alternatibo. Tahimik dahil walang kumpetensiya, ngunit may negatibong epekto ito. Dahil walang kumpetensiya, hindi nasisiguro at hindi napipilitan ang mga nahahalal na student leaders na gawin ang kanilang responsibilidad sa abot ng kanilang makakaya para sa interes ng mga mag-aaral. Hindi ito naging madali para sa PROPharm dahil lahat sila ay baguhan. Subalit nagtagumpay ang PROPharm dahil sa nakita ng mga mag-aaral ng CP ang kahalagahan ng bago at bukas na pag-iisip. Isang alternatibo. Dito nagsimula ang kakaiba ngunit kilalang nature ng PROPharm. Tahimik kapag walang kailangang sabihin, nasisiyahan sa sarili nitong mga gawain tulad ng medical missions, team building activities at iba pa. Dumating ang araw na maaring sinasabi ng iba na nagkatamaran na magpatuloy na magbigay ng buong slate ang PROPharm, pero sa tingin ko ito ay gawa ng panahon na naramdaman ng PROPharm na maayos na muli ang pamamahala sa CP. Ngunit may kasabihan nga na dala ng panahon ang pagbabago.
Binuo ang CHANGE mula sa PROPharm, pero dahil ang PROPharm ngayon ay isa nang organisasyon at hindi na isang slate, hindi nito kailanman pinilit ang sinumang miyembro na iboto ang buong partidong CHANGE. Ang mga miyembro ng PROPharm ay kapatid ng CHANGE, habang ang executive committee o EXECOM ng PROPharm na tumatayo bilang magulang ay nakikiusap lamang para sa suporta ng mga kapatid ng CHANGE sa organisasyong pinagmulan nito.
Bumabalik sa kasalukuyan...
Nasisiyahan ako dahil mula sa aking ala-ala noong una akong tumakbo sa pinaka-unang slate ng CHANGE, ay nakikita ko sa lahat ng kandidato nito ang malinis na hangarin na magsilbi at kumatawan sa mga estudyante ng UPCP. Oo, nakita ko din na lahat ay mayroon ding kakulangan at kahinaan subalit sabi nga ni Ate Virg nung panahon na 'yon sa isang bukas na liham,
"They are servant-leaders. And like any of us, they have their own tendencies and flaws. That is the very reason I have invited those who are passionate about service. Too passionate that even their flaws could not stop them from serving people. "
Buong puso akong sumasang-ayon.
At nitong nakaraang eleksyon, muli nanamang pinatunayan ng CHANGE ang sarili nila.
Ang CHANGE ay walang kwenta kung hindi sa mga taong lumalabas sa kanilang normal na buhay upang pumasok dito. Ang bawat kandidato ng CHANGE ay malinaw ang adhikain, ang mamuno upang makapagsilbi.
Ang mga Batch Representatives na sila Phya, Pauline, Razi, at Camille ay nagtagumpay lahat! Karamihan sa kanila, may kalaban man o wala, ay umamin sa mga agam-agam na bumabagabag sa kanilang kalooban. Alam nilang lahat na ang pagiging Batch Rep ay isa sa mga pinakamadugong trabaho sa UPPhA dahil sila ang nasa front line ng council. Lahat sila may ibang priorities din, ngunit hindi sila napigilan sa kagustuhang sumubok at maglingkod. Incoming second year man, third year o graduating student, handa sila na ibigay ang oras nila para sa iba, nang walang kapalit.
Sabi nga ni Tin Co,"Hindi lahat ng tahimik, walang imik!" kasabay ng paggulat niya sa akin nitong nakaraang tatlong linggo. Si Ate Tin ang pinakasimple, tahimik, masipag at matalinong taong nakilala ko habang palagi akong na-iintriga tuwing namamataan ko siya sa University Library na nagbubuklat ng mga dyaryo habang abalang abala ang mga Pharm students sa pag-cram at paggawa ng postlab sa paligid niya. Dahil sa kaniyang tahimik na buhay, kagulat- gulat talaga ang desisyon niya na magdudulot ng pinaka-maingay at toxic na mga linggo ng kaniyang buhay pharm. Simple lang. Buo ang kaniyang hangarin na maglingkod at hindi ko maitago ang ngiti ko tuwing madidinig ko siya na magspeech sa mga RTR sa boses na matagal niyang tinipid gamitin. Ibang klaseng kasiyahan ang aking naramdaman nang nalaman kong nanalo siya!
Nasubukan na ni Java ang buhay pulitika. Naranasang manalo, naranasan ding matalo. Pangatlong beses nang tumakbo ni Java at muli nanaman siyang nagtagumpay. Noong una, inaamin ni Java na nakakapagod magtrabaho at tumulong sa UPPhA, ngunit noong nakita niya ang kahalagahan ng kaniyang desisyon ngayong taon, pinag-isipan niya itong mabuti bago siya pumayag na sumabak uli sa paglilingkod. Ngayon, tanging bakas lang ng kasiyahan ang makikita kay Java dahil sa pagkakataon na makapaglingkod siya bilang JAVICE President ng UPPhA.
Tulad ng kahit anong kompetisyon, may my mga hindi mapalad na manalo sa pagkakataong iyon. Ngunit, hindi ako nalulungkot at nagsisisi sa pagkumbinse sa kanila na tanggapin ang hamon.
Si Sho, sabi nga ng iba, sarili niya din ang naging kalaban niya. Alam ko ang pakiramdam nang sinasabi ng iba na masyado pa daw siyang bata para sa ganoong kataas na posisyon. Kulang sa karanasan, kulang sa edad, kulang sa exposure. Hindi ako nagsisisi na isang first year ang napili para sa posisyong College Representative. Sa College of Pharmacy, hindi natin maitatanggi ang seniority complex ng mga tao. Pero bakit nga ba si Sho? May potential si Sho. Bata pa, bukas pa ang isip, puno pa ng inspirasyon at hindi pa corrupted ng makasariling ka-GC-han at desperasyon na magsurvive sa Pharm. Maaring tignang "idealistic", pero saan pa ba manggagaling ang pagbabago? Sa mga taong tradisyonal? Abala sa mga "mas mahahalagang" ibang bagay? Gayunpaman hindi ako nanghihinayang para kay Sho, dahil alam kong marami pa siyang pagkakataon. At hanggang nasa kaniya pa ang pagnanais na maglingkod, magagawa niya ito, lalo na kung mabibigyan siya ng pagkakataon.
Kapag iniisip ko si Jikki, naiisip ko ang salitang "low-profile". Ang tinutukoy ko ay hindi siya masyadong sikat ngunit marahil nagtaka nanaman ang marami kung sino ba siya at bakit ba siya ang tumakbo. Simple lang, hiniling ng mga miyembro ng organisasyon na tumakbo siya, at buong puso din akong sumang-ayon kahit alam kong kailangan niyang pagsikapan ang 'visibility' niya. Sa loob ng PROPharm, maraming nagawa si Jikki na marahil ay hindi naibalita sa buong CP. Ang mas kilala sa mga inaasikaso ni Jikki ay ang nakikita natin na Blood Letting nitong dalawang nakaraang semester. Nais ko din ibahagi sa inyo na si Jikki ang nagsimula ng ugnayan ng GAWAD KALINGA at ng College of Pharmacy bago pa man ito naging proyekto ng nakalipas na administrasyon. Nagsimula ito bilang isang project ng mga bagong member sa pamumuno ni Jikki at nang masimulan ito, hiniling ng UPPhA na ipagpatuloy ang proyektong ito upang makasama din ang iba pang mga organisasyon. Marami talagang kayang gawin si Jikki para sa UPPhA, pero hindi parin ako nanghihinayang.
Kilala ng mga tao si Joc sa kaniyang malakas na karakter na humahakot ng iba-ibang reaksyon mula sa mga tao. Isa ito sa pangamba mismo ni Joc pero hindi ko nakikitang hadlang kahit ang mga sariling kakulangan upang bigyan ng pagkakataon ang isang tao na tumakbo at maglingkod basta't malinis ang hangarin at walang bahid ng kahit anong motibo. Hindi man pinalad si Joc, alam kong tinitignan niya ang mga pangyayari bilang isang hamon lamang upang mapabuti pa ang kaniyang karakter. Alam kong maraming natutunan si Joc sa karanasan na ito at gagawin niya itong inspirasyon. Lahat ng tao, ano man ang itsura, yaman, talino, o pag-uugali ay may pantay pantay na karapatan maglingkod basta't malinis ang hangarin at buo ang loob sa pagsilbi sa iba.
Panghuli, si Moe na pumayag maging tanglaw at ulo ng CHANGE sa pagkakataong ito ay napakalaki sana ng maihahandog para sa kolehiyo. Napakarami niyang plano, at mula sa objektibong mata ng isang manunulat tulad niya, nakikita niya ang tunay na sitwasyong kinakaharap ng kolehiyo. Nais niyang ibaba ang kaniyang panulat at tumayo sa kaniyang mga paa upang kumilos para sa kolehiyo natin. Mahirap ang naging laban ni At Moe kahit buo ang kaniyang loob sa kaniyang gagawin. Maraming bagay siyang sinakripisyo. Hinarap niya ang mga kritisismo. Pero nakita ko na siya bilang isang taong malakas at hindi basta bumibigay sa mga pagsubok at paghihirap. Matibay ang kaniyang paninindigan, may sariling opinyon at bukas ang mata at isip sa lahat ng nangyayari sa paligid niya at 'yon sana ang pagbabagong gusto niyang gawin sa mga mag-aaral ng Pharm: ang lumabas sa kani-kaiyang comfort zones at isipin na ang buhay ay hindi lang isang desperasyon na magtapos at huwag bumagsak sa mga subject. At pinatunayan ito ng bawat kandidato ng CHANGE.
Baguhan man muli halos lahat ng kandidato ng CHANGE ay buo ang paniniwala kong matibay ang kanilang mga pundasyon sa paglilingkod.
ALAM KONG MAY ISANG TANONG KAYO:
BAKIT NGAYON KO LANG ITO SINASABI?
Alam ko kasi na kapag bago mag-eleksyon ko sinabi ang lahat ng ito, marahil ay isipin lang ng mga tao na isa lang itong pambobola sa mga tao para sila ang piliin niyo sa balota.
Nais ko lang ipakita, na ang CHANGE, ay patuloy na nandirito, handang magbigay ng mga piniling mabuti at mapagkakatiwalaan na mga kandidato. Malinis ang hangarin. Magsilbi. Maging boses at kinatawan ng mga mag-aaral ng College of Pharmacy.
Ang Coalition of Hardworking students Addressing the Need for Growth and Excellence, o CHANGE, ay maaasahan niyo sa mga susunod pang mga taon at naniniwala ako na hindi kailanman mauubos ang mga estudyanteng karapat-dapat na maging lider sa College of Pharmacy na mula sa CHANGE hangga't may mga sumusuporta sa mga taong desidido, malinis ang hangarin at handang magsilbi.
NAIS KONG PASALAMATAN ANG LAHAT NG TUMULONG at SUMUPORTA SA CHANGE, kayo ang nagsisilbing liwanag para magpatuloy ang partido.
SA LAHAT NG NAGWAGI, CHANGE o SIGAW UP man nais ko kayong batiin sa inyong pagkapanalo. Nasa inyo na ang tiwala ng buong College na paglilingkuran niyo.
SA MGA HINDI PINALAD, tumawa kayo at huminga, wala na kayong iisipin at alam naman nating lahat na marami pang ibang bagay ang naghihintay sa inyo.
SA MGA BUMOTO, magaling! Sana matuto tayong mag-demand sa mga Leader na ihinahalal natin, anumang partido o organisasyon nila. Wag tayong makuntento sa "wala silang ginagawang masama", bagkus humanap tayo nang "ginagawa nilang mabuti".
Yours Truly,
Chai Ching
**********************************
Ang pulitika sa pharm ay practice lang sa ibang mga pulitika sa buhay natin. sa bahay, sa trabaho, sa gobyerno at ang pagboto natin ay practice lang para sa masa malaking mga election tulad nang sa 2010. Hindi lang tayo basta students, UP STUDENTS TAYO.
Buksan ang mga mata!